Ipinaalala ng Commission on Elections (COMELEC) sa mga kandidato kaugnay sa nalalapit na paghahain ng Certificate of Candidacy na personal ang paghahain nito o isang awtorisadong kinatawan sa kaukulang tanggapan ng komisyon.
Sa abiso ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia, sa October 1 hanggang 8 ang panahon ng paghahain ng COC mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Nakatakda naman sa November 4 hanggang 9, 2024 ang paghahain ng kandidatura ng mga tatakbong kongresista sa mga distrito sa parliyamento ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Kasama sa mga dokumento na dapat isumite ay limang kopya ng COC kabilang ang original na kopya ng COC, passport size na litrato na kuha sa nakaraang anim na buwan at documentary stamp.
Maliban sa bayad sa documentary stamp, paalala pa ng COMELEC na walang bayad ang paghahain ng COC.
Bukod sa COC, ihahain din sa Oct. 1 hanggang 8 ang CONA o Certificate of Nomination and Acceptance ng mga kandidato na kasapi ng isang COMELEC-accredited na partido pulitikal o koalisyon.