
Pinawalang-sala ng Commission on Elections si Rodante Marcoleta sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng umano’y paglabag sa campaign finance, ngunit iniutos nito ang pagsasampa ng reklamo laban sa tatlo niyang sinasabing campaign donors para sa halalan sa 2025.
Sa resolusyong en banc na may petsang Marso 18, pinagtibay ng Comelec ang rekomendasyon ng Political Finance and Affairs Department na itigil ang fact-finding investigation laban kay Marcoleta.
Nagsimula ang imbestigasyon matapos aminin ng senador sa isang programa sa telebisyon ang umano’y hindi pagtutugma ng kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth at election expenses, kung saan binanggit niyang tumanggap siya ng P75 milyon mula sa mga kaibigan bilang kontribusyon.
Sa kanyang isinumiteng position paper, inamin ni Marcoleta na hindi niya idineklara ang naturang halaga sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures dahil hiniling ng mga donor na manatiling anonymous.
Iginiit din niya na ang naturang pondo ay itinuring na personal funds dahil natanggap ito bago magsimula ang opisyal na campaign period, alinsunod sa Peñera doctrine na nagsasabing itinuturing lamang na kandidato ang isang tao sa pagsisimula ng campaign period.
Ayon sa Comelec, hindi nakasunod si Marcoleta sa Section 109 ng Omnibus Election Code hinggil sa detalyadong pag-uulat ng kontribusyon, ngunit nilinaw na ang paglabag dito ay hindi na itinuturing na election offense sa ilalim ng Republic Act 7166.
Gayunman, binigyang-diin ng Komisyon na hindi saklaw ng Peñera doctrine ang mga donor, at nananatiling obligasyon ng mga ito na magsumite ng ulat alinsunod sa Section 99 ng Omnibus Election Code.
Dahil dito, iniutos ng Comelec ang pagsasagawa ng paunang imbestigasyon laban kina Michael Tan Defensor, Joseph Varias Espiritu, at Aristotle Baluyut Viray kaugnay ng kabiguang magsumite ng kanilang Report of Contributions sa loob ng 30 araw matapos ang halalan.
Itinuturing ng Comelec na mandatory ang pagsusumite ng naturang ulat at ang hindi pagsunod dito ay maaaring magresulta sa pananagutang kriminal bilang election offense.









