Pinag-aaralan ng Department of Agriculture (DA) ang posibilidad na magpataw ng price cap sa imported rice matapos iulat na umaabot na sa P58 hanggang P60 kada kilo ang presyo nito sa ilang lugar sa bansa.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr., sinusuri ng ahensya ang mga legal na opsyon sa ilalim ng Price Act upang makontrol ang presyo ng imported rice sa gitna ng hinalang may nagaganap na profiteering sa merkado.

Sinabi ng kalihim na dapat nasa P48 hanggang P50 lamang kada kilo ang presyong retail ng imported rice kung may sapat na kita ang mga nagbebenta.

Binabantayan din ng DA ang mga ulat na may ilang trader na umano’y nire-repack ang imported rice at nilalagyan ng label na lokal na bigas upang maibenta sa mas mataas na presyo.

Bilang tugon, magsasagawa ang DA ng pinaigting na inspeksyon sa mga pamilihan sa mga susunod na araw katuwang ang Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), at Department of Trade and Industry (DTI) upang matiyak na nasusunod ang tamang presyo ng bigas sa merkado.

-- ADVERTISEMENT --