Patay ang dalawa habang isa ang sugatan na pawang mga menor de edad na estudyante mula sa Kalinga National High School sa Tabuk City, matapos bumangga ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa isang tricycle sa Bulanao, Tabuk City, Kalinga.

Batay sa CCTV footage, makikita ang motorsiklong may tatlong sakay ay tumawid sa center island at napunta sa kabilang lane, dahilan upang sumalpok ang mga sakay nito sa paparating na “umbak” na sasakyan.

Nabatid na galing ang mga estudyante sa kanilang paaralan nang mangyari ang aksidente sa isang intersection sa kahabaan ng Bulanao National Road.

Dalawa sa kanila ang idineklarang dead on arrival sa provincial hospital, habang patuloy namang ginagamot ang isa nilang kasamahan habang sugatan din ang isa sa mga pasahero ng tricycle matapos itong natumba sa banggaan.

Sa ngayon, patuloy pang iniimbestigahan ng mga pulis ang naturang insidente.

-- ADVERTISEMENT --