Huli ang isang lakaki na suspek sa panghoholdap kasama ang isa pang lalaking nanutok ng baril sa kanilang biktima sa Barangay Sta. Ana, Taytay, Rizal Lunes ng gabi.

Sakay ng motorsiklo ang mga suspek nang harangin ang dalawang lalaking biktima sa may Tapayan Bridge, ayon sa pulisya.

Ayon kay Police Liuetnant Colonel Marlo Solero ng Taytay Police, kinuha ng mga suspek ang mga personal na gamit ng mga biktima, tulad ng cellphones at cash.

Agad na tumakas ang mga suspek matapos ang pagnanakaw.

Gayunpaman, agad silang nasukol ng mga pulis makalipas ang mahigit 10 minuto sa bahagi ng C6 road kung saan naganap ang engkwentro.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Solero na bumaba ang dalawang suspek sa kanilang motorsiklo at pinaputukan ang mga pulis, kaya gumanti ang mga awtoridad na tinamaan ang isang suspek sa kanyang leeg na tumagos sa kanyang pisngi.

Ginagamot na ang nasabing suspek na siyang nagpaputok ng baril sa mga pulis, habang nahuli ang kanyang kasama na 20-anyos.

Narekober sa kanila ang ginamit na baril at mga bala nito, gayundin ang sinakyan na motorsiklo.