Umabot na sa 3.8 kilometro ang haba ng daloy ng lava mula sa Bulkang Mayon sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS)

Batay sa ulat, patuloy ang pag-agos ng lava o lava effusion sa bulkan.

Naitala ang pinakamahabang daloy sa Basud gully na umabot sa 3.8 kilometro, sinundan ng Bonga gully na may 3.2 kilometro, at Mi-isi gully na may 1.6 kilometro.

Nakapagtala rin ng episodic minor strombolian activity at panandaliang lava fountaining sa bulkan.

Sa nakalipas na araw, umabot sa 39 volcanic earthquakes ang naitala, kabilang ang 21 volcanic tremors na tumagal mula isa hanggang 44 minuto.

-- ADVERTISEMENT --

Mayroon ding 376 rockfall events.

Nananatili ang crater glow sa tuktok ng bulkan at umabot sa 2,147 tonelada ng sulfur dioxide ang ibinuga nito.

Ang usok ay naobserbahang umabot hanggang 200 metro ang taas bago kumalat patungong kanluran at iba pang direksyon.

Nananatiling nasa Alert Level 3 o intensified unrest ang Bulkang Mayon.

Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone at ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa bulkan.

Nagbabala ang PHIVOLCS sa posibleng panganib kabilang ang pagguho ng bato, paglipad ng mga tipak ng bato, pagdaloy ng lava, pyroclastic density currents, katamtamang pagsabog, at lahar lalo na kung may malalakas na pag-ulan.

Patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng mga awtoridad sa aktibidad ng Bulkang Mayon.