Patay ang isang dating Sanguniang Bayan Member ng Iguig matapos pumailalim kasama ang sinasakyang motorsiklo nang mabangga ang kasalubong na dump truck sa kahabaan ng Buntun Bridge sa bahagi ng Maddarulug, Solana, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Ruben Gabriel na residente sa bayan ng Iguig habang ang driver ng dump truck ay si Dexter Fabian na residente naman ng Sta. Maria, Flora Apayao.

Ayon kay PCAPT Gaudencio Pagulayan, Deputy Chief of Police ng PNP Solana, nasa magkasalungat na bahagi ng tulay ang dalawa kung saan ay tinatahak ni Gabriel ang direksyon patungong Solana habang papunta naman sa Tuguegarao City si Fabian.

Sinabi ni Pagulayan na batay sa imbestigasyon ay nasa tamang linya ang driver ng truck ngunit tinahak ng biktima ang linya nito at bago pumailalim sa dumptruck ay nasalpok nito ang traysikel na nasa unahan ng dump truck kayat maaaring sumabit ang manibela ng kanyang motorsiklo at nawalan ng control at na out balance.

Bagamat nakasuot ng helmet ay nagtamo pa rin ng malubhang sugat sa ibat ibang bahagi ng katawan ang biktima kayat isinugod agad sa ospital ngunit ayon sa umasikasong doctor ay nasawi siya dahil naubusan ng dugo.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay nasa kustodiya ng PNP Solana ang suspek habang hinihintay pa ang pamilya ng biktima kung paghahain ng reklamo.