
Pinuri ni dating tagapagsalita ng Senate impeachment court na si Regie Tongol ang desisyon ng Supreme Court kaugnay ng kahulugan ng salitang “forthwith” sa impeachment trial.
Ayon kay Tongol, ang interpretasyon ng Korte Suprema na ang “forthwith” ay nangangahulugang “sa loob ng makatwirang panahon” ay nagpapatunay na tama ang naging hakbang ng Senado noon.
Dagdag niya, isa rin itong panalo para sa constitutional stability o katatagan ng Konstitusyon.
Sinabi rin ni Tongol na ipinakita ng halos nagkakaisang desisyon ng Korte Suprema na tama ang naging direksyon ng Senado sa ilalim ng pamumuno ni dating Senate President Francis Escudero.
Matatandaang binatikos noon si Escudero matapos itakda ng Senado ang impeachment trial sa petsang itinuturing ng ilan na hindi tugma sa “forthwith.”
Noong Pebrero 2025, in-impeach ng House of Representatives of the Philippines si VP Sara Duterte.
Hunyo 10, 2025 naman nang mag-convene ang Senado bilang impeachment court, higit isang buwan matapos ang midterm elections.
Ayon sa 1987 Constitution, dapat agad o “forthwith” magtipon ang Senado bilang impeachment court matapos matanggap ang articles of impeachment mula sa Kamara.
Paliwanag ni Escudero noon, isinasaalang-alang ng Senado ang mga umiiral na patakaran, nakaraang kaso, at mga desisyon ng Korte Suprema sa pagtakda ng iskedyul.
Noong Hulyo 2025, nagdesisyon ang Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang impeachment laban kay VP Sara Duterte.
Pagsapit ng Agosto 2025, nagpasya ang Senate impeachment court sa ilalim ng 20th Congress na i-archive ang reklamo.









