
Umakyat na sa 54 ang bilang ng nasawi sa paglubog ng M/V Trisha Kerstin 3 sa Basilan matapos matagpuan ang isa pang katawan sa ilalim ng dagat, ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG).
Sa isinagawang underwater operations ng technical divers ng Philippine Coast Guard (PCG) ngayong Pebrero 14, 2026, isang lalaking bangkay ang narekober.
Sa kasalukuyan, mayroong 293 na nakaligtas, habang 25 pa ang nawawala.
Ayon sa PCG, ang mga bilang ay pinagsama-sama batay sa joint validation ng Philippine National Police-Scene of the Crime Operatives (PNP-SOCO), City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), Coast Guard District Southwestern Mindanao (CGDSWM), at mga apektadong pamilya na nagsasagawa ng araw-araw na koordinasyon sa mga inter-agency search and rescue authorities.
Samantala, nagsampa ng kaso ang Department of Transportation (DOTr) laban sa tatlong opisyal ng Maritime Industry Authority (MARINA) kaugnay ng paglubog ng barko.
Sinabi ni DOTr Assistant Secretary para sa Maritime Sector na si Bong Plan na direktang sangkot ang tatlong MARINA officers sa pag-isyu ng safety certificates para sa nasabing barko.
Anim na iba pang tauhan ng PCG ang inilagay sa preventive suspension habang isinasagawa ang hiwalay na imbestigasyon hinggil sa paglubog at iba pang posibleng paglabag.
Ayon kay Plan, nangakong magsusumite ang PCG ng ulat ng imbestigasyon sa susunod na linggo.










