Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Cagayan sa mga national agencies kaugnay sa posibleng pagbagsak sa lalawigan ng mga debris mula sa Long March 7A rocket na inilunsad mula sa Wenchang Space Launch Center sa China noong Martes ng gabi.

Base sa advisory ng Philippine Space Agency (PhilSA), dalawa ang natukoy na drop zones sa loob ng teritoryo ng Pilipinas batay sa notice to airmen o NOTAM, kung saan ang drop zone 1 ay tinatayang nasa 71 kilometers mula sa Burgos, Ilocos Norte habang ang drop zone 2 ay nasa 52 kilometers mula sa Sta. Ana, Cagayan.

Ayon kay Rueli Rapsing, head ng PDRRMO na hindi pa malinaw sa ngayon kung anong klase ng debris, kelan at kung saang bahagi sa bayan ng Sta Ana ito babagsak.

Ang naturang mga impormasyon aniya ay mahalagang matukoy upang malaman kung ano ang magiging aksyon ng pamahalaan sa naturang babala.

Sa ngayon ay hindi pa pinagbabawalan ang mga mangingisda na pumalaot sa drop zones subalit pinag-iingat ni Rapsing ang mga ito at mga residente sa coastal barangay.

-- ADVERTISEMENT --

Sa babala ng PhilSA, ang pagbagsak ng mga rocket debris ay maaring maging delikado para sa mga barko, aircraft, fishing boats, at iba pang vessels na dadaan sa drop zones, pero malabo naman umanong bumagsak sa mga inhabited areas o land features.