Hinamon ng isang abogado ang legal team ni Vice President Sara Duterte na patunayan ang sinasabing banta sa buhay ng pangalawang pangulo na ginamit nilang dahilan sa mga naging pahayag nito laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at iba pa.

Ayon kay human rights lawyer Atty. VJ Topacio, paulit-ulit umanong iginiit ng kampo ni Duterte na may panganib sa kaniyang buhay, kabilang ang kanilang pahayag kaugnay ng kontrobersiyal na November 23, 2024 Zoom press conference.

Kabilang din sa binanggit ang tinatawag na “Project Romanov,” na iniuugnay ng kampo ni Duterte sa umano’y banta laban sa kaniyang mga malalapit na kaanak.

Sinabi ni Topacio na pagkakataon na ng depensa na ilahad ang kanilang mga ebidensya habang tinatalakay sa impeachment trial ang usapin ng grave threats.

Dagdag niya, kung may sapat na batayan ang naturang alegasyon, dapat itong masusing imbestigahan ng mga awtoridad.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ni Topacio na nais namang patunayan ng prosecution na bahagi ng isang pattern ang umano’y mga pagbabanta ni Duterte, kaya inaasahang maghahain pa sila ng karagdagang testimonya sa mga susunod na araw ng paglilitis.