Tinatayang aabot sa 26 milyon hanggang 28 milyong estudyante ang mag-e-enroll para sa School Year 2026–2027 na magsisimula sa Hunyo 8, ayon sa Department of Education (DepEd).

Ayon kay DepEd Assistant Secretary Jocelyn Andaya, sapat ang higit isang milyong teaching at non-teaching personnel ng ahensya upang tugunan ang inaasahang dami ng mga mag-aaral sa buong bansa.

Inamin naman ng opisyal na bagama’t may mga lugar na kulang pa rin sa guro, mayroon ding mga paaralan na sobra ang bilang ng teachers kumpara sa aktuwal na pangangailangan.

Tinatayang nasa 35:1 ang student-to-teacher ratio sa lower levels at 45:1 sa higher levels, ngunit mas mataas umano ito sa mga urban areas gaya ng National Capital Region kung saan umaabot sa 50:1 hanggang 55:1.

Samantala, nananatili pa rin ang classroom backlog ng DepEd na nasa humigit-kumulang 136,000, habang inaasahang makukumpleto ng DPWH ang mahigit 9,000 silid-aralan ngayong taon.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi rin ng DepEd na gagamit muna ng mga nakalipas na taon na learning materials habang hinihintay ang kumpletong delivery ng mga bagong textbook na inaasahang darating sa Hulyo.