Nagbabala ang Department of Education (DepEd) na mahigpit nitong ipagbabawal ang bomb threats at pagdadala ng mga deadly weapon sa loob ng mga paaralan bilang bahagi ng pagpapatupad ng bagong guidelines para sa ligtas na learning environment.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, kabilang ang mga naturang paglabag sa pinakamabibigat na offenses sa ilalim ng bagong polisiya ng DepEd at hindi papayagan ng kagawaran ang anumang banta sa kaligtasan ng mga mag-aaral.

Sa ilalim ng patakaran, ang mga mapatutunayang sangkot sa bomb threats, pagdadala ng baril, pampasabog, ilegal na droga, at iba pang mabibigat na paglabag ay maaaring hindi na payagang makapag-enroll sa susunod na school year o tuluyang matanggal sa paaralan, bukod pa sa awtomatikong referral sa mga law enforcement at social welfare agencies.