Tiniyak ng National Electrification Administration (NEA) na magiging tuloy-tuloy ang suplay ng kuryente sa mga paaralan sa pagbubukas ng klase ngayong araw.

Ayon kay NEA Administrator Antonio Almeda, mahigpit ang koordinasyon ng ahensya sa Department of Education (DepEd) at mga electric cooperative upang matiyak ang maayos na serbisyo ng kuryente sa mga eskwelahan sa buong bansa.

Sinabi ni Almeda na taun-taon silang nagsasagawa ng paghahanda at monitoring upang maiwasan ang anumang aberya sa suplay ng kuryente, lalo na sa panahon ng pasukan.

Bagama’t nakaranas ng Yellow Alert sa Visayas dahil sa usapin ng power generation, wala naman aniyang nakikitang malaking problema na maaaring makaapekto sa operasyon ng mga paaralan.

Binigyang-diin ng opisyal na kabilang ang mga paaralan sa mga prayoridad na pasilidad ng mga electric cooperative upang matiyak ang tuloy-tuloy at maaasahang serbisyo ng kuryente.

-- ADVERTISEMENT --