
Palalawakin ng Department of Education (DepEd) ang access ng mga pampublikong guro sa international scholarships at exchange programs bilang bahagi ng pagsisikap na mapataas ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Sa ginanap na “Teach Beyond Borders: Global Scholarships and Exchange Fair,” pinagsama ng DepEd ang iba’t ibang scholarship providers at international partners upang mas mapadali ang paglahok ng mga guro sa mga oportunidad sa pag-aaral at pagsasanay sa ibang bansa.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, mahalagang mabigyan ng pandaigdigang karanasan ang mga gurong Pilipino upang maiuwi nila sa bansa ang mga makabagong pamamaraan sa pagtuturo at maibahagi ito sa kanilang mga estudyante.
Layunin din ng programa na gawing mas madali ang pag-access ng mga guro sa impormasyon hinggil sa scholarship applications, requirements, at iba pang proseso sa pamamagitan ng isang mas organisadong sistema.
Sinabi ng DepEd na inaasahang makatutulong ang mga scholarship at exchange program sa pagpapahusay ng kakayahan ng mga guro at sa pagpapatibay ng kalidad ng basic education sa buong bansa.










