Ikinalungkot ni House Deputy Speaker Rep. Janette Garin, na dati ring nagsilbi bilang Department of Health (DOH) secretary, ang pagkasawi ng isang grade 4 student sa Cavite matapos sumailalim sa school deworming program ng pamahalaan.

Bunsod nito ay iginiit ni Garin sa mga awtoridad na bilisan ang aksyon at malalimang imbestigasyon sa insidente upang matukoy ang tunay na sanhi ng pagkasawi ng biktima.

Mungkahi ni Garin, isailalim sa autopsy ang bata at huwag muna agad gumawa ng anumang konklusyon nang walang buong medikal na pagsisiyasat.

Ayon kay Garin, ang mga haka-haka sa pangyayari ay maaring magdulot ng takot sa publiko na makasisira sa isang mahalagang programa ng gobyerno para sa pampublikong kalusugan.

Bilang doktor ay ipinaliwanag ni Garin na malaki ang posibleng epekto sa paglaki, sa utak, at sa kinabukasan ng mga bata kung hindi sila mapupurga sa maagang edad.

-- ADVERTISEMENT --