
Inisa-isa ng Department of Foreign Affairs o DFA ang mga posibleng pakinabang ng Pilipinas sa nakatakdang pagdalo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ASEAN-Russia Commemorative Summit sa Kazan, Russia ngayong linggo.
Ayon kay Deputy Assistant Secretary for ASEAN Affairs Dominic Xavier Imperial, kabilang sa mga larangan ng kooperasyon ng Pilipinas at Russia ang counterterrorism, paglaban sa transnational crime at iligal na droga.
Sinabi ni Imperial na nakatutulong ang mga ugnayang ito sa pagsasanay ng mga law enforcement agency at pagpapalitan ng impormasyon upang matugunan ang mga banta sa seguridad.
Bukod dito, binanggit din ng DFA ang kooperasyon sa climate change, kalusugan at disaster management bilang mga larangang maaaring mapalawak sa pakikipag-ugnayan sa Russia.
Ayon pa sa opisyal, patuloy ding lumalawak ang turismo sa pagitan ng dalawang bansa.
Batay sa datos ng DFA, mahigit 30,000 Russian tourist ang bumisita sa Pilipinas noong 2024, ang pinakamataas na naitalang bilang sa mga nakalipas na taon.
Samantala, meron ring nakalinyang bilateral meeting ang Pangulo kay Russian President Vladimir Putin sa sidelines ng summit, kung saan inaasahang matatalakay ang patungkol sa energy at food security.










