Posibleng muling tumaas ang presyo ng diesel sa susunod na linggo habang magkaiba naman ang inaasahang galaw sa presyo ng gasolina, batay sa pagtataya ng isang source mula sa oil industry.

Batay sa galaw ng Mean of Platts Singapore (MOPS) at average na palitan ng piso kontra dolyar mula Hulyo 6 hanggang 9, inaasahang tataas ng P2.00 hanggang P4.00 kada litro ang diesel. Samantala, ang gasolina ay maaaring bumaba ng P1.00 kada litro o tumaas ng hanggang P1.00 kada litro.

Ayon sa source, patuloy na tumitibay ang presyo ng diesel dahil sa mataas na demand, limitadong suplay, at pangamba sa posibleng pagbaba ng pag-export ng diesel ng Russia. Dagdag pa rito ang tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan, kabilang ang mga pag-atake ng Iran at Estados Unidos na nagdulot ng pangamba sa suplay ng langis sa pandaigdigang merkado. Inaasahang iaanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang opisyal na price adjustment sa Lunes at ipatutupad ito sa Martes.