
Hinamon ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla si dating senator Antonio Trillanes IV na magpakita ng patunay na naglabas ang International Criminal Court (ICC) ng warrant of arrest laban kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa.
Ginawa ni Remulla ang pahayag bilang tugon sa sinabi ni Trillanes na dapat na bawasan niya ang kanyang media interviews at mag-focus sa manhunt operations sa mga wanted persons.
Binigyang-diin ni Remulla na alam nila na nasa Davao si Dela Rosa, subalit wala pa siyang warrant of arrest, kaya walang dahilan para siya ay hanapin.
Hinamon niya si Trillanes na magpakita ng ebidensiya na may warrant of arrest si Dela Rosa at siya mismo ang aaresto sa senador.
Sinabi ni Remulla na batay sa impormasyon na kanilang natanggap, umiikot lang si Dela Rosa sa Davao City gamit ang motorsiklo, at madalas na walang kasama.
Sinasabing nakikitira si Dela Rosa sa kanyang pinagkakatiwalaang associates at kasama niya ang kanyang pamilya, at iniwan ang kanilang ari-arian sa Silang, Cavite.
Ipinaliwanag ni Remulla na hindi sila maaaring magsagawa ng citizen’s arrest kay Dela Rosa kung gusto ni Trillanes na ilagay siya sa kustodiya.










