
Bumili ang Department of Energy (DOE) at Philippine National Oil Company (PNOC) ng 21,000 metriko tonelada ng liquefied petroleum gas (LPG) mula sa United States bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na tiyakin ang matatag at maaasahang suplay ng gasolina sa gitna ng krisis sa Gitnang Silangan.
Sa isang pahayag, sinabi ng DOE, nakatakdang dumating mula Mayo 20 hanggang 31 at ibababa sa Batangas ang mga nasabing LPG.
Ayon sa DOE, nakikipagtulungan ito sa mga ahensya ng gobyerno at mga stakeholder sa industriya upang matiyak ang seguridad sa enerhiya, mapanatili ang katatagan ng suplay, at maprotektahan ang kapakanan ng mga Pilipinong umaasa sa LPG sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Samantala, nakaranas muli ng pagbaba ng presyo ng LPG ang mga konsyumer ngayong linggo.
Ibinaba ng LPG supplier na Solane ang presyo ng P3.36 kada kilo, kasama ang value-added tax (VAT), epektibo noong Abril 21, 2026, alas-6 ng umaga.
Katumbas ito ng bawas na P33 sa bawat 11-kilong tangke ng LPG, ayon sa LPG Marketers Association (LPGMA).
Ayon kay Arnel Ty, ang pagbaba ng presyo ay dulot ng mas mababang gastos sa shipping at transportasyon.










