
Pinadali ng Department of Energy o DOE ang mga panuntunan para sa pag-install ng solar power systems na gagamitin ng mga consumer para sa sarili nilang konsumo.
Sa ilalim ng Department Circular No. DC2026-08-0017, niluwagan ang requirements para sa Self-Generating Facility Zero-Export Solar Systems at Micro-Solar Systems na nagbibigay-daan sa mga bahay at iba pang establisimyento na makalikha ng sariling kuryente nang hindi nag-e-export ng sobrang power sa distribution grid.
Para sa Micro-Solar Systems na hanggang 1 kilowatt, hindi na kailangan ng Building Permit at Certificate of Compliance mula sa Energy Regulatory Commission.
Sa halip, kailangan lamang ipagbigay-alam ng consumer sa kanilang distribution utility.
Para naman sa ilang qualifying solar installations sa mga bahay, klinika at ospital, hindi na rin kailangan ang Certificate of Compliance, habang maaari ring hindi na kailangan ang Building Permit kung may kaukulang clearance na ang istruktura.
Inatasan din ang mga distribution utility na alisin ang mga hindi kinakailangang clearance, permit at inspection charges bago ikonekta ang mga solar system.
Ayon sa DOE, layunin ng hakbang na gawing mas abot-kaya at accessible ang rooftop solar para sa mga household, small businesses at iba pang consumer, habang nakatutulong na mabawasan ang pagdepende sa kuryente mula sa grid.









