
Patuloy na mino-monitor ng Department of Health (DOH) ang posibleng epekto ng hantavirus outbreak, lalo na kaugnay ng 38 Pilipinong tripulante ng MV Hondius na nais makabalik sa bansa.
Ayon kay DOH spokesperson Undersecretary Albert Domingo, may kakayahan ang Pilipinas na magsagawa ng hantavirus testing gamit ang PCR machines na ginamit noong pandemya sa pamamagitan lamang ng pagpapalit ng “primer.”
Sinabi rin ni Domingo na may tatlong institusyon sa bansa na may electron microscope na maaaring makatulong sa pagtukoy ng virus.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DOH sa Bureau of Quarantine (BOQ) at sa mga international health agencies para sa patuloy na monitoring sa mga border ng bansa.
Ipatutupad din umano ang mahigpit na health protocols para sa 38 Pilipinong crew ng MV Hondius na kasalukuyang nasa Canary Islands.
Ayon kay Domingo, dadaan sa maayos at makataong screening process ang mga tripulante bago payagang makauwi sa Pilipinas alinsunod sa guidelines ng World Health Organization (WHO).
Batay sa mga ulat, tatlong pasahero ng barko ang nasawi habang isa pa ang nasa kritikal na kondisyon dahil sa impeksyon.
Gayunman, sinabi ng Department of Migrant Workers na nananatiling ligtas at walang sintomas ng sakit ang 38 Pilipinong crew.
Nagpaalala rin ang DOH sa publiko na panatilihin ang kalinisan upang maiwasan ang hantavirus na naipapasa sa pamamagitan ng ihi, dumi, o laway ng infected na daga.
Ayon sa DOH at WHO, bihira ang hantavirus at hindi madaling maipasa mula tao sa tao, ngunit maaari itong magdulot ng malubhang sakit.










