Nais ng Department of Health (DOH) na itaas ang ang buwis na ipinapataw sa mga vape at e-cigarette habang hinihintay ang posibleng pagpapatupad ng total ban sa mga ito.

Ayon sa DOH, mas kakaunti ang tatangkilik sa vape na may masamang epekto sa kalusugan kung ipatutupad din ang pinakamataas na sin tax sa mga heated tobacco products, vape, at freebase e-cigarettes.

Sa kasalukuyan, nasa P60 ang sin tax kada pakete ng sigarilyo, na may 5% pagtaas kada taon mula 2024.

Kung susundin ito, tiyak na tataas ang presyo ng vape at mas kakaunti na ang makakabili nito.

Bababa rin ang kakayahan ng mga kabataan para bumili dahil sa mas mataas na halaga ng nasabing produkto.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaang una nang sinabi ni DOH Secretary Ted Herbosa na kapag tumataas ang presyo ng sigarilyo, bumababa ang bilang ng mga Pilipinong natutuksong gumamit nito at mas maraming mamamayan din ang maiiwas sa mga sakit tulad ng lung cancer, heart disease, at iba pang karamdaman na dulot ng paninigarilyo.