
Nagbabala ang World Health Organization laban sa paggamit ng electric fan sa kulob na lugar kapag matindi ang init, dahil maaari itong magpalala ng init na nararamdaman ng katawan.
Sa isang panayam, ipinaliwanag ng mga eksperto ang tinatawag na “oven effect,” kung saan naiipon ang init sa loob ng kuwarto kapag walang maayos na daluyan ng hangin.
Sa ganitong sitwasyon, mainit na rin ang hangin na ibinubuga ng electric fan kaya’t lalo lamang pinaiinit ang paligid.
Ayon sa professional mechanical engineer na si Ian Willien Mamaril, nawawalan ng silbi ang electric fan kapag umaabot na sa 35 degrees Celsius pataas ang temperatura.
Pinapaikot lamang nito ang mainit na hangin at lalo pang itinutok ang init sa katawan, aniya.
Dagdag pa ng mga eksperto, maaari itong magdulot ng dehydration, lalo na kung hindi sapat ang iniinom na tubig.
Samantala, pinayuhan ng Department of Health ang publiko na manatiling hydrated sa pamamagitan ng pag-inom ng walo hanggang sampung baso ng tubig araw-araw, lalo na sa panahon ng matinding init.
Iminumungkahi rin na tiyaking may maayos na bentilasyon ang mga bahay at kuwarto, gaya ng pagbubukas ng bintana, upang makalabas ang naiipong init.
Bukod dito, posible ring masira ang electric fan kung patuloy itong gagamitin sa matinding init nang walang pahinga.










