
Itinanggi ni dating Health Undersecretary Kenneth Hartigan-Go na siya ay nag-promote o nag-endorso ng Dengvaxia, kahit pa may dati siyang kaugnayan sa isang foundation na sinasabing may ugnayan sa distributor ng bakuna.
Sa kanyang pahayag sa Sandiganbayan, sinabi ni Hartigan-Go na walang kinalaman sa pagbebenta o pag-a-advertise ng anumang produkto ang Zuellig Family Foundation, kung saan siya ay naging executive director mula 2001 hanggang 2009.
Gayunman, kinumpirma niya na lumagda siya noong 2015 sa isang rekomendasyon ng Formular Executive Council na nagmumungkahi ng exemption para sa Dengvaxia mula sa Philippine National Drug Formulary. Kung naaprubahan sana ito, maaaring naging legal ang pagbili ng bakuna ng pamahalaan, ngunit hindi ito natuloy.
Giit naman ng prosekusyon, nakapaloob sa naturang rekomendasyon ang isang pag-aaral mula sa Sanofi, ang manufacturer ng Dengvaxia. Pero ayon kay Hartigan-Go, hindi niya napansin o hindi niya alam na may ganitong detalye sa dokumentong kanyang pinirmahan.
Ang usapin ay bahagi ng kaso kaugnay ng umano’y iregularidad sa pagbili ng Dengvaxia na nagkakahalaga ng ₱3.5 bilyon noong 2015, kung saan kabilang din sa mga kinasuhan si dating Health Secretary at ngayon ay House Deputy Speaker Janette Garin at iba pang dating opisyal.
Ayon sa Office of the Ombudsman, ginamit umano nang labag sa batas ang pondo ng gobyerno sa pagbili ng bakuna na hindi kabilang sa Expanded Program on Immunization at walang kaukulang pag-apruba mula sa drug formulary, na posibleng paglabag sa mga umiiral na patakaran at regulasyon, kabilang ang Executive Order No. 49.








