Inanunsyo ni Justice Secretary Fredderick Vida na hihingi ang Department of Justice o DOJ ng kopya ng CCTV footage at iba pang dokumento mula sa Senado kaugnay ng imbestigasyon sa naganap na insidente ng pamamaril sa loob ng gusali ng Senado.

Ayon kay Vida, inatasan ng DOJ ang Office of the Sergeant-at-Arms, sa pamamagitan ng Office of the Senate President, na magsumite ng ulat at lahat ng mahahalagang ebidensya kaugnay ng insidente.

Kabilang sa hinihinging dokumento ang CCTV footage, ballistic at paraffin test results, deployment records, communication logs, incident reports, witness statements, at iba pang forensic at documentary evidence.

Binigyang-diin ni Vida na hindi muna magbibigay ng pananagutan ang DOJ hangga’t hindi pa kumpleto ang pagsusuri sa lahat ng ebidensya at tiniyak niya sa publiko na magiging patas at transparent ang imbestigasyon.

Iniutos din niya sa Philippine National Police, National Capital Region Police Office, Pasay City Police Station, at National Bureau of Investigation na isumite sa loob ng 48 oras ang lahat ng rekord at ebidensyang may kaugnayan sa mga pangyayari sa Senado mula Mayo 11 hanggang 14.

-- ADVERTISEMENT --

Kasunod ito ng pagbuo ng DOJ ng special panel of prosecutors na magsasagawa ng case build-up sa insidente.

Nanawagan din si Vida sa publiko at sa media na magsumite ng mga video at larawan na maaaring makatulong sa imbestigasyon.

Noong Miyerkoles ng gabi, umalingawngaw ang mga putok ng baril sa loob ng Senado habang naka-lockdown ang gusali.

Ayon sa Malacañang, ang unang warning shot ay pinaputok umano ni Senate Sergeant-at-Arms at retired Police Major General Mao Aplasca.

Samantala, itinanggi naman ng National Bureau of Investigation na may mga ahente silang naka-deploy sa loob ng Senado at nilinaw na nasa paligid lamang sila ng GSIS compound bilang bahagi ng security assistance.

Nangyari ang insidente habang umiiral ang tensyon kaugnay ng tangkang pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na nahaharap sa arrest warrant mula sa International Criminal Court.