
Inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kasong cyberlibel laban kay Atty. Levito Baligod at 18 dating bodyguard ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co kaugnay ng mga alegasyon nilang naghatid umano ng mga maleta ng pera sa ilang personalidad.
Kinumpirma ni Prosecutor General Richard Fadullon na inilabas na noong nakaraang linggo ang resolusyon. Bukod sa cyberlibel, inirekomenda rin ng DOJ panel ang pagsasampa ng kasong perjury laban sa 18 indibidwal.
Nag-ugat ang reklamo sa mga pahayag ng mga dating bodyguard na ipinrisinta ni Baligod noong Pebrero, kung saan sinabi nilang inutusan silang maghatid ng cash na umano’y may kaugnayan sa kickback sa mga flood control project.
Kabilang sa naghain ng reklamo laban sa kanila sina dating Senador Antonio Trillanes IV, dating National Security Adviser Eduardo Año, House Deputy Minority Leader Leila de Lima, Fr. Flavie Villanueva, at Bureau of Corrections Director General Gregorio Catapang Jr., na pawang itinanggi ang mga paratang.










