
Patuloy pa ring sinusuri ng Department of Justice (DOJ) ang reklamong inciting to sedition at grave threats na isinampa laban kay Vice President Sara Duterte, ayon kay Justice Secretary Eric Vida.
Sinabi ni Vida na wala pa umanong bagong development sa kaso dahil nasa yugto pa ng pagsusuri ang DOJ sa draft resolution kaugnay ng reklamong inihain ng National Bureau of Investigation (NBI).
Matatandaang nagsampa ng reklamo ang NBI noong nakaraang taon matapos ang kontrobersyal na pahayag ni Duterte na umano’y naglalaman ng pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ang naturang insidente rin ang isa sa mga pangunahing batayan ng articles of impeachment na kasalukuyang dinidinig ng Senate impeachment court laban sa Bise Presidente.










