Tinalakay ng Department of Justice (DOJ) at Philippine National Police (PNP) ang posibilidad na maisailalim sa Witness Protection Program si alias “Totoy,” isa sa mga akusado sa kaso ng pagkawala ng mga sabungero.

Batay sa ulat, naganap ang pagpupulong matapos ipahayag ni Totoy ang kagustuhang tumestigo sa korte.

Ayon sa DOJ, nangangamba umano si Totoy para sa kanyang buhay at sa kaligtasan ng kanyang pamilya.

Sinabi ng DOJ na may kasunduan na ito at ng hepe ng PNP na si Police General Nicolas Torre III kaugnay sa usapin.

Sa ngayon ay isinasailalim pa sa beripikasyon ang mga impormasyong ibinigay ni Totoy.

-- ADVERTISEMENT --

May hawak na rin umanong ebidensya ang DOJ na sumusuporta sa mga pahayag ni Totoy, kabilang ang iba pang uri ng corroborative evidence.

Kasalukuyan ding iniimbestigahan ang sampung indibidwal na isinangkot ni Totoy.

Hindi pa nagsusumite ng pormal na affidavit si Totoy.

Pinabulaanan naman ng DOJ ang alegasyon ng mga pamilya ng nawawalang sabungero na pinabayaan na sila ng gobyerno.

Ayon sa kagawaran, patuloy ang kanilang pagkalap ng ebidensya at hindi sila sumusuko sa kaso. Naiproseso na raw ang ilang impormasyon bago pa man ang nakaraang halalan.