Naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng Labor Advisory No. 8, Series of 2025 na naglalaman ng mga panuntunan sa tamang pasahod para sa mga manggagawang papasok sa trabaho sa mga regular na holiday ngayong Hunyo 6 (Eid’l Adha) at Hunyo 12 (Araw ng Kalayaan).

Ang dalawang araw na ito ay itinakdang regular holidays sa ilalim ng Proclamation No. 911 at Proclamation No. 727.

Ayon sa DOLE, kung ang empleyado ay hindi papasok sa trabaho sa nasabing regular holiday, siya ay dapat bayaran ng 100% ng kanyang arawang sahod — basta’t siya ay pumasok o naka-leave na may bayad sa araw bago ang holiday.

Kapag ang araw bago ang holiday ay hindi pasok sa trabaho o rest day ng empleyado, makakatanggap pa rin siya ng holiday pay kung siya ay pumasok o naka-leave na may bayad sa araw bago ang non-working day o rest day.

Para naman sa mga empleyadong papasok sa trabaho sa regular holiday, sila ay dapat bayaran ng 200% ng kanilang basic wage para sa unang walong oras ng trabaho.

-- ADVERTISEMENT --

Kung lalampas sa walong oras ang kanilang pagta-trabaho, may karagdagang bayad na 30% ng hourly rate para sa bawat oras ng overtime.

Kung ang trabaho ay isinagawa sa regular holiday na natapat pa sa araw ng kanilang rest day, may dagdag na 30% sa kanilang 200% na sahod.

At kung sila ay nag-overtime sa ganoong pagkakataon, sila ay makakatanggap pa ng karagdagang 30% ng hourly rate sa kabuuang overtime pay.

Idineklara ng Malacañang ang Hunyo 6, 2025 bilang regular holiday bilang paggunita sa Eid’l Adha o Feast of Sacrifice.

Isa ito sa dalawang pinakamahalagang pista ng mga Muslim, kung saan inaalala ang kahandaan ni Propeta Ibrahim na ihandog ang kanyang anak bilang pagsunod sa utos ni Allah.

Sa araw na ito, tradisyonal na nag-aalay ang mga Muslim ng hayop tulad ng kambing, tupa, baka, o kamelyo.

Samantala, ang Hunyo 12 ay taon-taong ipinagdiriwang bilang Araw ng Kalayaan — isang pambansang holiday na nagbibigay pugay sa kasarinlan ng Pilipinas mula sa pananakop ng dayuhan.