Inatasan ng Department of Transportation (DOTr) at Philippine Ports Authority (PPA) ang pansamantalang paglilipat ng mga barko mula sa Makar Wharf sa General Santos City patungo sa Malalag Port sa Davao del Sur kasunod ng malakas na lindol na tumama sa Sarangani.

Layunin ng hakbang na matiyak ang tuloy-tuloy na biyahe ng mga pasahero at pagdadala ng mga kargamento sa kabila ng epekto ng magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa rehiyon noong Hunyo 8.

Ayon sa DOTr, ipinatupad ang kautusan sa pangunguna ni Transportation Secretary Giovanni Lopez at PPA General Manager Jay Santiago.

Sinabi ni Lopez na kinakailangan ang isang alternatibong pantalan upang agarang matugunan ang operasyon ng roll-on/roll-off o RoRo vessels at iba pang cargo ships, gayundin upang maibsan ang daloy ng trapiko sa karagatan sa General Santos City.

Kabilang ang General Santos City sa mga lugar na nakaranas ng matinding pinsala dulot ng lindol.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, inatasan na ni Santiago ang Port Management Office sa General Santos City na makipag-ugnayan sa katapat nitong tanggapan sa Davao del Sur upang maisakatuparan ang rerouting ng mga barkong gumagamit ng Makar Wharf.

Patuloy namang minomonitor ng mga awtoridad ang kalagayan ng mga pantalan at iba pang pasilidad upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at maipagpatuloy ang operasyon ng transportasyon sa rehiyon.