Iniimbestigahan na ng Department of Public Works and Highways at Ombudsman ang posibleng koneksyon ng contractors na sina Curlee at Sarah Discaya sa CLTG Builders, na pagmamay-ari ng ama ni Senator Bong Go.

Sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na ito ang kanilang pinag-usapan nila ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla.

Una rito, isiniwalat ni Remulla na tumanggi ang mag-asawang Discaya na ilahad ang detalye ng kanilang partnership sa CLTG.

Magugunita na iginiit ni Go na wala siyang kinalaman sa operasyon ng mga negosyo ng kanyang pamilya.

Sinabi ni Dizon, nag-usap sila ni Remulla matapos na maihayag na hindi na makikipagtulungan ang mga Discaya sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga maanomalyang government projects.

-- ADVERTISEMENT --

Idinagdag pa ni Dizon na mawawala na ang tsansa ng mag-asawang Discaya na maging state witnesses kung patuloy ang kanilang pagtanggi na makipagtulungan sa mga imbestigasyon sa flood control projects.