Iniutos ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon ang pagpapalalim at paglilinis sa Gumain River matapos gumuho ang isang bahagi ng dike sa Barangay Sto. Cristo, Lubao, Pampanga.

Personal na ininspeksiyon ni Dizon nitong Linggo ang nasirang dike, kasama sina Pampanga Governor Lilia “Nanay” Pineda, Vice Governor Delta Pineda at Lubao Mayor Esmie Pineda.

Ayon sa DPWH, gumuho ang dike dahil sa malakas na agos ng tubig mula sa umaapaw na Gumain River at Santo Cristo Dam.

Bukod sa dredging, iniutos din ang paglilinis ng mga basura at nakabarang troso sa dam upang mapabilis ang daloy ng tubig patungo sa Pasig-Potrero River.

Tiniyak din ni Dizon na popondohan ang pagkukumpuni sa nasirang dike, kabilang ang 600-metrong bahagi ng flood mitigation structure na nakitaan ng pagguho o uka.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy naman ang pagbaha sa ilang bahagi ng Luzon bunsod ng walang tigil na pag-ulan dulot ng Habagat, kaya isinasagawa ang mga hakbang upang maibsan ang pag-apaw ng tubig at maiwasan ang mas malawak na pagbaha sa mga komunidad.