Patungo na ng Abra ang ikalawang batch ng mga family food packs at non-food items mula sa Department of Social Welfare and Development Region 2 para maghatid ng tulong sa mga apektadong pamilya ng nagdaang magnitude 7.0 na lindol.
Sakay ng pitong cargo trucks ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela at dalawang cargo trucks ng 501st Infantry Brigade ang karagdagang 5,300 relief food packs mula sa DSWD-RO2.
Ayon kay Mitchie Sibbaluca, tagapagsalita ng DSWD-RO2 na nauna nang naipadala ng ahensya sa Bangued, Abra ang 3500 food packs at 400-non food items, kabilang na ang 50 modular tents na donasyon mula sa Office of Civil Defense (OCD) Region 2 na isinakay sa apat na cargo trucks ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.
Itoy batay sa kahilingan ng DSWD-CAR para sa relief augmentation ng 10,000 food packs na nagkakahalaga ng P6.67M at 5900 na non food items na kinabibilangan ng modular tents, hygiene kits at sleeping kits na nagkakahalaga ng P8.6M.
Sinabi ni Sibbaluca na nakahanda rin ang DSWD-RO2 sa posibleng pagpapadala ng manpower sa Abra kung kakailanganin.
Ang mga hakbang na ito ay alinsunod sa resolusyon na naglalayong magkaroon ng inter-regional na ugnayan at koordinasyon ng ibat ibang field offices at mga ahensya ng pamahalaan sa pagbibigay ng agarang pagtugon sa mga sakuna.
Samantala, nakapagsagawa na rin ang DSWD-RO2 ng stress debriefing sa isang pamilya sa bayan ng Aparri na nagkaroon ng partially damaged sa kanyang bahay matapos ang lindol.
Bukod dito ay namigay rin ang ahensya ng P5K cash assistance sa pamilya sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation at family food packs.