
Hinikayat ng Department of Science and Technology (DOST) ang paggamit ng electric vehicles tulad ng e-trike upang makatulong sa mga tricycle driver na makatipid sa mahal na presyo ng gasolina.
Ayon kay DOST Secretary Renato Solidum, pwedeng humiram ang mga tricycle driver ng pera na walang interes at babayaran sa loob ng tatlong taon para makabili ng e-trike.
Tutulungan din ng gobyerno ang mga lokal na pamahalaan na maglagay ng mga solar-powered charging station para libre o mura lang ang gastos sa enerhiya nang hindi naka-depende sa langis.
Ipinagmalaki ni Solidum na may isang lugar sa Mindanao na may libreng charging para sa mga de-kuryenteng sasakyan mula sa lokal na pamahalaan.
Sinabi naman ni DOST USec Engr Sancho Mabborang na nagsimula na rin ang pag-aaral kung paano mas mapapadali ang paggawa ng mga e-trike dito sa Pilipinas kaya sa loob ng ilang taon, inaasahan na mas marami na ang gawa sa Pilipinas kaysa sa inaangkat mula sa ibang bansa.
Ibinahagi rin niya na sa Pasay City, napansin na dumoble ang kita ng isang tricycle driver mula P300 ay naging P600 kada araw dahil sa paggamit ng e-trike.
Kasabay nito, hinikayat niya ang mga tricycle driver at lokal na pamahalaan na subukan ang electric tricycle para makatulong sa kanilang kita at sa kalikasan.










