
Inaasahang magdadala ng pag-ulan ang easterlies sa malaking bahagi ng bansa sa Biyernes, partikular sa Southern Luzon, Visayas at silangang bahagi ng Mindanao.
Ayon sa ulat, posibleng makaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm sa mga sumusunod na lugar: Visayas, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, at Davao Oriental.
Ang easterlies o silanganin ay hangin na nagmumula sa silangan na karaniwang nagdadala ng pag-ulan sa mga apektadong lugar.
Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na papawirin na may pulu-pulong pag-ulan o thunderstorms dahil sa localized thunderstorms.
Nagbabala ang mga awtoridad sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa oras ng malalakas na thunderstorm.
Iniulat din na umabot sa 34.2°C ang pinakamataas na temperatura sa isang weather station sa Quezon City, habang 25.2°C naman ang pinakamababa.
Samantala, inaasahang lulubog ang araw bandang 6:27 p.m. at sisikat naman sa Biyernes ng 5:28 a.m.








