Pinalawig ng Energy Regulatory Commission (ERC) ng tatlong buwan pa ang suspensyon sa pagputol ng serbisyo ng kuryente sa mga residential at non-residential consumers bilang bahagi ng ipinatutupad na consumer relief measures sa ilalim ng state of national energy emergency.

Batay sa inilabas na advisory, ipinag-utos ng ERC sa lahat ng distribution utilities (DUs) sa Luzon, Visayas, at Mindanao na huwag munang putulan ng kuryente ang mga consumer na hindi makakabayad ng kanilang electricity bills mula Agosto hanggang Oktubre 2026.

Pinayagan din ng komisyon ang mga consumer na may buwanang konsumo na hindi hihigit sa 200 kilowatt-hours na ipagpaliban ang pagbabayad ng kanilang bill at bayaran ito nang hulugan sa loob ng hindi bababa sa tatlong buwan.

Nilinaw naman ng ERC na maaari pa ring magbayad nang buo ang mga consumer kung kaya nilang gawin ito.

Inatasan din ng ERC ang mga generation companies, National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), National Power Corporation (NPC), Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM), at iba pang power industry participants na ipatupad din ang parehong staggered payment scheme para sa mga distribution utilities.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, inaatasan ang mga DUs na magsumite ng ulat sa kanilang pagsunod sa kautusan bago o sa Oktubre 30, 2026.