Binasag na ni dating House Speaker Martin Romualdez ang kanyang pananahimik upang mariing pabulaanan ang mga paratang na siya umano ang utak sa isang malawakang corruption scheme. Kasabay nito, pinayagan din niyang maisapubliko ang kanyang sinumpaang salaysay.

Ayon sa kanya, pinili muna niyang manahimik bilang paggalang sa legal na proseso at upang hindi na magdagdag pa sa ingay ng isyu. Gayunman, aniya, tila inaabuso na ang kanyang pananahimik kaya napilitan na siyang magsalita.

Iginiit ni Romualdez na mula pa lamang sa simula ng kontrobersiya ay naging kooperatibo na siya sa mga awtoridad. Hindi umano siya nagtago o tumakas, at kusa pa siyang nagsumite ng affidavit sa ICI, kalakip ang mga kinakailangang dokumento.

Bilang patunay ng kanyang transparency, iniutos niya ang agarang paglalabas sa publiko ng kanyang affidavit upang mabigyan ng pagkakataon ang taumbayan na suriin ang katotohanan at alamin kung sino ang nagsasabi ng totoo.

Tinawag din niya na “most absurd accusation” ang alegasyong siya ang mastermind sa katiwalian, lalo na kaugnay sa pondo ng bayan.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinaliwanag din ng dating Speaker ang proseso ng pagbuo ng pambansang badyet. Aniya, nagmumula ang panukala sa Executive Department sa anyo ng National Expenditure Program bago ito isumite sa Kongreso para sa deliberasyon.

Dagdag pa niya, binubuo ang Kamara ng daan-daang miyembro at humigit-kumulang 85 komite, kaya’t aniya, imposibleng kontrolin ng isang Speaker ang bawat komite o madiktahan ang iba pang sangay ng pamahalaan.