
Nagwagi ng 2026 Pulitzer Prize sa kategoryang audio reporting ang Filipino-American na sportswriter at podcaster na si Pablo Torre kasama ang kanyang podcast team.
Kinilala ang kanilang podcast na Pablo Torre Finds Out podcast para sa exposé hinggil sa umano’y paraan ng Los Angeles Clippers upang makaiwas sa salary cap ng NBA.
Ayon sa Pulitzer Prize board, itinampok ng kanilang trabaho ang makabuluhan at makabagong anyo ng audio journalism na may malalim na imbestigasyon at malinaw na storytelling na nagsisilbi sa interes ng publiko.
Nakatuon ang kanilang ulat sa alegasyong pag-channel umano ng pondo patungo kay Kawhi Leonard sa pamamagitan ng isang kumpanyang nauwi sa pagkalugi, bilang paraan upang malusutan ang salary cap rules ng NBA.
Binubuo ang kanilang award-winning work ng apat na episode na inilabas noong Setyembre 2025.
Kasama sa parangal ang $15,000 na gantimpala.
Samantala, itinanggi ng Clippers ang naturang ulat at iginiit na walang nilabag na alituntunin ang koponan o ang may-ari nitong si Steve Ballmer.
Patuloy namang iniimbestigahan ng National Basketball Association ang nasabing isyu.










