
Patuloy na nagbibigay ng mahalagang ambag sa ekonomiya ng Greenland ang mga Pilipino at iba pang Asian workers na nagtatrabaho sa iba’t ibang industriya sa kabila ng matinding lamig at mahirap na kondisyon ng pamumuhay sa Arctic region.
Isa sa kanila si Marinel Garciano, isang Pilipina na naninirahan sa Ilulissat, na nagsabing bagama’t hirap siya sa mahabang taglamig na umaabot ng siyam na buwan, wala siyang pagsisisi sa pag-alis sa Pilipinas upang mabigyan ng mas magandang oportunidad ang kaniyang mga anak.
Kabilang ang pamilya ni Garciano sa tinatayang 1,200 Pilipino na kasalukuyang naninirahan sa Greenland, na siyang pinakamalaking foreign diaspora sa autonomous territory ng Denmark.
Ayon kay Garciano, tulad ng maraming overseas Filipino workers, hangad lamang nilang makahanap ng mas magandang kabuhayan at kinabukasan para sa kanilang pamilya.
Sa kabila ng matinding lamig, snowstorms, at limitadong populasyon sa Greenland, patuloy umanong umaasa ang ilang negosyo at sektor sa mga dayuhang manggagawa, kabilang ang mga Pilipino, upang mapanatili ang operasyon at serbisyo sa lugar.










