
Tinukoy ni dismissed policeman Rodulfo Gracioso Jr. sa kanyang affidavit ang umano’y pinagmulan ng mga bag ng perang ipinag-utos sa kanya ni dating House Speaker Lord Allan Velasco na ihatid sa ilang personalidad.
Kabilang umano sa pinanggalingan ng pera sina dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, Marikina Rep. Miro Quimbo, at mag-asawang contractors na sina Sarah at Curlee Discaya.
Ayon kay Gracioso, may mga pagkakataong siya mismo ang kumukuha ng pera kay Co, habang sinabi naman umano ni Quimbo na nagmula sa ilang contractor ng Department of Public Works and Highways o DPWH ang ibang pera.
Iniuugnay rin ni Gracioso sa kanyang affidavit si dating DPWH Undersecretary Catalina Cabral at dating district engineer Henry Alcantara sa ilang pagkakataong nakita niya ang mga ito.
Itinanggi naman ni Vice President Sara Duterte na kilala niya si Gracioso o nakatanggap siya ng pera mula rito, habang itinanggi rin ng kampo ni Velasco ang mga alegasyon. Patuloy naman ang pagkuha ng pahayag ng GMA News kina Quimbo, Alcantara at sa mag-asawang Discaya.










