Isang makasaysayang desisyon ang inilabas ng hurado sa Los Angeles laban sa tech giants na Meta Platforms at Google kaugnay sa umano’y epekto ng kanilang mga platform sa kabataan.

Napag-alaman ng korte na ang Instagram at YouTube ay “nakakaadik” at sinadyang idisenyo upang manatiling hooked ang mga user—lalo na ang mga menor de edad.

Itinuring ding nagkulang ang mga kumpanya sa pagprotekta sa kapakanan ng mga batang gumagamit nito.

Bunsod nito, inatasan ang dalawang kumpanya na magbayad ng $6 milyon (humigit-kumulang ₱330 milyon) bilang danyos sa isang kabataang babae na nakaranas umano ng body dysmorphia, depresyon, at suicidal thoughts dahil sa paggamit ng mga nasabing apps.

Depensa ng Meta, hindi raw maaaring isisi sa iisang app lamang ang mental health crisis ng isang teenager.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, iginiit naman ng Google na ang YouTube ay hindi isang social media platform.

Gayunman, ayon sa mga eksperto, ang hatol ay maaaring magbukas ng mas mahigpit na regulasyon sa industriya ng teknolohiya.

Tinawag pa ito bilang “katapusan ng panahon ng kawalan ng pananagutan” para sa malalaking tech companies.

Sa kabila ng planong pag-apela ng dalawang kumpanya, inaasahang magkakaroon ng malawakang epekto ang desisyong ito hindi lamang sa Estados Unidos kundi sa buong mundo habang mas pinaiigting ang usapin sa kaligtasan ng mga user, lalo na ng kabataan, sa digital space.