Sinibak na sa pwesto ang hepe ng Rizal Police Station at dalawang pulis matapos ang insidente ng pamamaril ng isang pulis sa kapwa niya pulis na ikinasawi ng isa at ikinasugat ng isa pa sa Brgy. Gaddangao, Rizal, Cagayan.

Ayon kay PCAPT Shiela Joy Fronda, tagapagsalita ng Cagayan Police Provincial Office, kabilang sa dahilan nang pagkakasibak sa puwesto kay PCAPT John Jefferson Bumanglag at sa dalawa pang pulis ay para bigyang-daan ang isinasagawang imbestigasyon.

Sinabi ni Fronda na nagsasagawa na ng hiwalay na imbestigasyon ang Provincial at Regional Police Office sa naturang insidente.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nakabalik na sa isang checkpoint ang suspek na si alyas “RJAY”, residente ng Tuao, Cagayan, kasama ang isa pa matapos magsagawa ng mobile patrol, nang bigla umano nitong itinutok ang kanyang service firearm sa kanilang team leader sa hindi pa matukoy na dahilan.

Sinubukan namang umawat ng dalawang naka-duty na pulis sa checkpoint subalit bigla silang pinaputukan.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito nagtamo ng sugat ang mga biktima kung saan isa ang idineklarang dead on arrival sa pagamutan habang ang isa pang biktima na nagtamo ng tama ng bala sa kanang hita ay inilipat sa isang pagamutan sa Tuguegarao City.

Agad namang sumuko ang suspek na pulis, at isinuko rin niya ang kanyang service firearm, kung saan nasampahan na rin siya ng mga kaukulang kaso sa korte.

Sinabi ni Fronda na inaalam pa kung ano ang motibo ng pulis sa kanyang ginagawang pamamaril sa mga kapwa niya pulis.