Naghahanda ang House Committee on Justice para sa itinakdang pagdinig sa Abril 14 kaugnay ng mga reklamong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, kasabay ng pagbuo ng komento nito sa mga petisyong inihain sa Supreme Court of the Philippines na naglalayong ipatigil ang proseso.

Binigyan ng Korte Suprema ang Kamara ng sampung araw upang magsumite ng komento, ngunit hindi ito naglabas ng temporary restraining order. Ayon kay Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima, kumpiyansa ang Kamara na sinusunod nito ang Konstitusyon at mga umiiral na patakaran sa pagdinig.

Naglabas na rin ng mga subpoena ang komite para sa mga testigo at dokumento, kabilang sina Atty. Michael Poa at National Bureau of Investigation Director Melvin Matibag, kaugnay ng mga isyung kinahaharap ng bise presidente.

Inaasahang tatalakayin muna sa pagdinig ang isyu ng umano’y maling paggamit ng confidential funds. Kabilang sa mga ipapatawag si Ramil Madriaga, na sinasabing dating aide ng bise presidente at kasalukuyang nakakulong, ngunit pinayagang dumalo ng korte.

Samantala, nananatiling umaasa ang ilang mambabatas na ibabasura ng Korte Suprema ang mga petisyon laban sa impeachment proceedings, habang iginiit na dapat magpatuloy ang proseso ng pananagutan.

-- ADVERTISEMENT --