
Tiwala ang House prosecution panel na mapapabilis ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kasunod ng bagong schedule na ipatutupad ng Senate Impeachment Court.
Sinuportahan ng mga lider ng Kamara at prosecution panel ang paglalaan ng mas mahabang oras para sa paglilitis sa ilang araw ng Oktubre at Nobyembre.
Layunin nitong bigyang-daan ang mas maraming testigo at ebidensya na maiharap kada araw.
Ayon kay House prosecutor Terry Ridon, makatutulong ang bagong iskedyul upang mas mabilis na matapos ang direct examination, cross-examination at pagtatanong ng mga senator-judge sa mga testigo.
Umaasa ang prosecution na matatapos nila ang presentasyon ng mga testigo at ebidensya pagsapit ng Oktubre, bago naman isagawa ang presentasyon ng depensa at target na paglalabas ng desisyon ng impeachment court sa Disyembre.









