Iginiit ng House prosecution panel na walang pagbaluktot sa batas sa nagpapatuloy na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay House trial spokesperson Renee Co ng Kabataan Party-list, malinaw umano sa paglilitis na nakatuon ang usapin sa umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education noong kalihim pa rito si Duterte.

Sinabi ni Co na nakasalalay sa magiging paliwanag ng defense team ang isyu kaugnay ng findings ng Commission on Audit hinggil sa mga iregularidad sa paggamit at liquidation ng confidential funds.

Samantala, sinabi ni prosecution legal spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. na maaaring makapagbigay ng pagdududa sa integridad ng impeachment proceedings at sa Senate Impeachment Court ang mga pahayag ni Duterte na “bending the law” at magulo ang paglilitis.