Inihayag ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, isa sa mga prosecutor sa impeachment case laban kay Bise Presidente Sara Duterte, na nakakalap sila ng panibagong ebidensya kaugnay ng umano’y hindi pagdedeklara ng ilang ari-arian sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.

Ayon kay Ridon, natuklasan nila ang ilang personal na ari-arian ng Bise Presidente at ng kanyang asawa na umano’y hindi naisama sa mga isinumiteng SALN sa nakalipas na mga taon. Aniya, ang mga ito ay nakatala sa mga rekord ng pamahalaan at nagkakahalaga ng milyun-milyong piso.

Dagdag pa niya, magpapatawag ang House Prosecution Panel ng mga bagong testigo upang patunayan at beripikahin ang naturang mga dokumento at transaksyon.

Samantala, sinabi rin ni Ridon na kumpiyansa silang makakakuha ng kinakailangang 16 na boto ng mga senator-judges upang mahatulan si Vice President Duterte sa oras na maiprisinta ang kanilang mga ebidensya sa impeachment trial.