Tumangging magbigay ng komento ang International Criminal Court (ICC) Office of the Prosecutor sa umano’y warrant of arrest laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay sa gitna ng mga ulat na may inilabas na ang ICC na warrant of arrest laban kay Duterte sa gitna ng imbestigasyon sa war on drugs ng kanyang administrasyon.

Una rito, iginiit ni Duterte na ang kanyang mga ginawa noong siya pa ang pangulo ay may layunin na tiyakin ang kapayapaan at kaayusan sa bansa.

Sinabi naman ng Malacañang na handa sila sa anomang kaganapan kaugnay sa nasabing usapin.

Ayon kay Presidential Communications Office Ad Interim Secretary Jay Ruiz na may natanggap silang impormasyon na may inilabas ng warrant of arrest ang ICC laban sa kanya dahil sa crimes against humanity.

-- ADVERTISEMENT --

Iniimbestigahan ng ICC si Duterte at iba pang matataas na opisyal noong panahon ng kanyang administrasyon dahil sa crimes against humanity dahil sa sistematikong pagpatay sa police operations sa pagpapatupad ng war on drugs.

Batay sa police records, umabot sa nasa 6,000 ang namatay sa drug war, subalit naniniwala ang human rights groups na umabot ito sa 30,000, kabilang ang vigilente killings.