Inirekomenda ni Independent Commission for Infrastructure (ICI) Chairman Andres Reyes Jr. na unti-unti na nilang tatapusin ang kanilang operasyon.

Sinabi ni Reyes na naipasakamay na nila sa Office of the Ombudsman ang lahat ng dokumento, mga ebidensiya, at findings na kanilang nakalap sa panahon ng kanilang imbestigasyon sa flood control projects.

Idinagdag pa ni Reyes na nagawa ng komisyon ang investigative framework at methodology na maaaring gamitin o gayahin ng statutory prosecutional agencies sa pagsusuri sa maanomalyang infrastructure projects.

Isinumite din ng ICI ang siyam na referrals na saklaw ang 65 indibidual sa OMB at pinulong ang 20 ahensiya sa Technical Working Group for Asset Recovery.

Dahil dito, sinabi ni Reyes na naniniwala siyang natupad ng ICI ang kanilang mandato sa ilalim ng Executive Order No. 94.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Reyes na mananatiling operational ang ICI hanggang March 31, 2026 para kumpletohin ang mga kailangang administrative processes habang unti-unti na nilang isinasara ang ICI.

Kasabay nito, nanawagan siya sa Kongreso na agad na aksyonan ang mga nakabinbin na panukalang batas para sa pagbuo ng Idependent People’s Commission at Independent Commission Against Infrastructure Corruption.