photo credit: pnp-Sto. Niño

TUGUEGARAO CITY-Hinalughog ang bahay ng isang dating barangay captain sa bisa ng search warrant sa bayan ng Sto. Niño kung saan ilang baril at bala ang kanilang nakumpiska.

Kinilala ang suspek na si Joey Ramos, 49-anyos at dating kapitan sa Barangay Balagan.

Ayon kay P/Capt. Cherrie Bartolome, Chief of Police ng PNP-Sto Niño, isinilbi ang search warrant matapos makatanggap ng impormasyon ukol sa pag-iingat ng suspek ng baril.

Nakuha sa bahay ng suspek ang isang caliber 45 na may magazine na kargado ng limang bala at isang rifle grenade na nakalagay sa bagpack na kulay maroon.

Nakatuwang ng PNP-Sto Niño sa naturang operasyon ang Cagayan Police Provincial Office, Regional Mobile Force Battalion ,First Provincial Mobile Force Company at sinaksihan ng mga Barangay officials.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Bartolome na nagkaroon ng kaunting komusyon dahil sa hindi pagkakaintindihan ngunit agad namang naayos.

Sa ngayon, hawak na ng PNP-Sto Niño ang suspek maging ang mga nakumpiskang baril.